*(This is a post for Lorma Highlights)
Dear Manong Guard:
Marahil nalalaman mo rin ang hirap ng pagbangon nang maaga para pumasok sa eskwela at ang frustration ng bawat estudyanteng pinapatigil mo sa may gate para lamang pagtutusukin ang kanilang mga bag.
Ayokong humanga sa iyong performance. Dahil sa totoo lang, nababadtrip ako. Naiiintidihan ko na trabaho mo’ng magcheck ng ID at ng bag. Pero nakakabadtrip lang kasi kapag kailangan ko pa’ng mag-antay ng labinlimang segundo para lamang masatisfy at maconvince ka na kamukha ko ang larawang nakaguhit sa ID ko at para buksan ang mabigat ko’ng bag para lang maishoot mo yang stick mo sa loob.
Ngunit kadalasan ay hindi lamang labinlimang segundo ang pagtayo ko sa gate. Hindi ko alam kung nananadya ka ba o talagang magaling kang tumayming. Kasi kapag nagkakataong nagsasabayang pumasok ang isang lupon ng mga estudyante ay mas nagiging istrikto ka ata sa pagchecheck ng mga bag. Samantalang kapag ako lamang ang papasok ay nanunusok ka lang. Ayos ka rin a.
Minsan nga, para hindi ka na mangulit pa ay ako na mismo ang nagsasabi kung ano ang laman ng bag ko. “Manong, dalawang libro ang nasa loob. Peksman. Walang bomba.” Napansin mo naman siguro iyon. Para sa isang student-nurse na gaya ko, gusto ko lang malaman mo na mabigat ang aking libro ng Med Surg. Mabigat si Joyce. Mabigat din si Brunner. Dagdag mo pa rito kapag dala ko ang aking laptop na halos isang kilo sa bigat. At sa kasamaang palad ay kailangan pa talagang ako ang magbukas ng bag ko sa kabila ng hirap ng pagbubuhat ng mga ito. Sa ngayon ay pinag-iisipan ko tuloy kung lahat ba ng guard ay ipinanganak na sadista.
Naaalala ko pa, hindi lang estudyante ang nababadtrip sa’yo. Dahil pati si Dean, pinataas mo rin ng kilay minsan noon. Wag ka’ng magkaila. Pinilit mo’ng itsek ang likod ng kotse nya at nagmamadali siya noon. At nang narealize nyang pasipsip, este devoted ka sa trabaho mo ay sumuko siya at sabi, “O sige, itsek mo yan at hanapin mo yung bomba.” Natawa ako ng gabing iyon. Buti na lang at naiwan ni EIC yung bag nya sa opis at kinailangan ko’ng tumambay sa may gate. Nasaksihan ko tuloy ang engkwentro ninyong dalawa.
Minsan namimiss ko na si Ate Lady Guard nung ako’y first year pa. Kasi, alam niyang nalalagay sa alanganin ang aking class card at test paper kapag ako’y nalate ng kahit labinlimang segundo. Sabi pa niya, “Hala, malalate ka na. Dalian mo. Go.” Ni minsan ay hindi pa kita narinig magsabi ng ganun. Bagkus, isang malamig na, “Wala ako’ng pakialam ser kung late ka. Basta pa-check ng bag.” Weh. Upakan kaya kita? Palibhasa hindi ikaw ang mapapahiya sa harap ng apat na pu’t walong estudyante [at minsan pati yung mga nasa kabilang kwarto] at makakarinig ng mga hardcore na ilokano words.
Pero napansin ko na hindi ka na lang guard ngayon. Promoted ka na yata. Kasi hindi na estudyante ang tsinetsek mo, kundi mga kapwa mo guards. Kitam? Epektip ang debosyon mo sa trabaho. Sige lang. Tusok lang ng tusok. Siguro pinayuhan mo din yung mga bago. Kasi mahilig ding sila manusok at mangulit.
Hindi ko naman binibigay ang sisi exclusively for you. Dahil aaminin ko, may isa pa’ng taong dapat sisihin—si Mamang Tsuper.
Dear Mamang Tsuper:
Hindi ko alam kung talagang mailap ang pasahero sa’yo o malakas lang talaga ang trip mo. Kasi minsan, ang bagal mo magpaandar kahit marami naman kaming sakay mo. Nagbabayad naman ako ng tama. Barya naman lagi ang iniaabot ko sa bawat umagang sumasakay ako sa asul mong jeep. Ayoko namang magkamot ka ng ulo dahil lang sa wala ka’ng panukli sa papel. Kaya minsan, kapag may nag-aabot sa iyo ng isang daan nang umagang umaga at nahuhuli kitang nagmumura sa sarili mo, natatawa na lang ako. Ramdam ko frustration mo. Pero sa bandang huli, may kasalanan ka rin. Magdala ka kasi ng baryang panukli. Huwag mo’ng asahang lahat ng sasakay sa’yo ay barya ang nasa bulsa.
Naging manhid ka na rin yata sa mga dabog ng iyong mga pasahero sa bawat pagtigil mo sa may sampalok para lamang silipin kung may sasakay ba o wala. Wala’ng pasahero ang nakakalampas sa’yo. Minsan kulang na lang ay sunduin mo na sila sa harap ng kanilang mga bahay. Ipinapasok mo pa kasi sa loob ng compound yung jeep mo para lang siguraduhing sasakay yung aleng naglalakad patungo sa’yo. Pero minsan, naaawa ako kapag kahit sinundo mo na sila ay saka mo lang malalaman na sa CSI sila pupunta samantalang diretso ka, o kung saka lang nila sasabihing hindi sila sasakay kapag ilang pulgada na lamang ang inyong pagitan.
Pero hindi ko pa ring maiwasang mainis kapag inuunahan ka pa ng tricycle. Hindi ba dapat mas mabilis ka kasi four wheels at hari ng kalsada ang minamaneho mo? Minsan nga pati yung naglalakad mas nauuna pa sa’yo. Nababadtrip din ako kapag mukhang ineenjoy mo ang mabigat na trapik sa tapat ng SLC. Nagpapalakasan kayo ng busina ng iyong mga kapwa tsuper. At kapag kamuntikang nagkakabungguhan ay nagmumurahan kayo, kasabay ng pag-ulan ng laway mula sa iyong bibig. Hanggang sa pagpara ko ay isinusumpa mo pa rin yung drayber na nakasagupa mo kanina. Akala ko tuloy ako na ang kaaway mo. Mabuti na lang at marunong ka pa rin palang humingi ng dispensa.
Ang alam ko, sikat naman dito sa San Fernando ang Lorma. Pero parang hindi mo alam kung kelan ka titigil. Mahilig kasi ako’ng pumara in advance. Nasa tapat pa lamang ako ng simbahan ay sinasabi ko na, “Manong Lorma ho.” Uulitin ko iyon kapag katapat mo na iyong Burger Machine. Pero kadalasan ay ibinababa mo ako sa tapat ng billboard ng Lorma. Concerned ka ba sa kalusugan ko at gusto mo ako’ng paglakarin pa? O naghahallucinate ka’t may nakikita ka’ng NO UNLOADING sa harap ng Mister Donut?
Hindi ko rin maintindihan kung paano mo inilalarawan ang masikip at maluwang. Kasi minsan, kahit siksik na kaming lahat sa loob ng jeepney mo ay sinasabihan mo pa rin yung mga pasakay na ng, “Nalawa pay ading. Adu pay tugaw.” Siguro naman napapansin mo’ng sa tuwing babanggitin mo ang mga katagang iyon ay nagtitinginan na lahat ng pasahero mo. Ang ilan ay nagbubulong sa sarili ng, “Nagilet la ngaruden.” Ang ilan ay umiirap na lamang at nakakunot-noong umitingin sa kawalan.
Ngunit ang hindi ko talaga makakalimutang [at mapapatawad na] ginawa at ginagawa mo ay ang pagpapatakbo mo nang ubod ng bagal. Muntik na akong bumaba noon at ipakita sa iyo na mas mabilis pa ako’ng tumakbo sa minamaneho mo. Kadalasan ay inaabot ako ng labin limang minuto bago ako makarating sa eskwelahan. Badtrip. Lingsat lang ako a. Inuunahan pa ako ng klasmeyt ko’ng taga Caba.
E alangan namang babangon din ako ng alas tres ng madaling araw? Hindi naman kasi kabigatan ang traffic dito sa Carlatan. Kayang kaya mo namang lusutan iyon kung gugustuhin mo. Nakakalungkot lang kasing isipin na parang ineenjoy mo nga talaga ang pagtitigil tigil mo, susulyap sa salamin sa may ulo mo at iwinawagayway ang plaka na DIRITSO.
Pangwakas:
Sa halos apat na taon ko’ng paglalagi rito sa kolehiyo ay hindi ko na rin mabilang ang mga araw na parang pinagtulungan ninyo ako’ng dalawa. Nagsasabwatan ata kayo. Alam nyo ata ang schedule ko. May tracker din ata kayo sa selpon ko. Para kasing alam ninyo kung kelan nakakalimutan ko’ng mag-alarm, kung kelan tatlong subo ng kanin at isang lagok ng kape ang aking iniinom, isang minutong paliligo at ang pangmarathon na takbo ko para lamang makaabot sa klase.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay pinasasalamat ko rin kayo.
.
.
.
Joke. Badtrip pa rin ako sa inyo. Hmp.